Kinilala ni P/Supt. Loreto Espineli, hepe ng pulisya sa Gapan City, ang nasawing pulis na si PO3 Simeon Santiago ng Gapan City Police, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isang sibilyan na namatay din sa pananambang.
Nakilala naman ang mga sugatan na sina SPO1 Jerry Casimiro, PO3 Rodrigo Turqueza, at PO1Rogelio Billana na pawang pulis-Gapan. Inaalam pa sa kasalukuyan ang pangalan ng dalawa pang sibilyan na nasugatan sa naturang insidente.
Napag-alamang nagbabantay ang mga biktimang pulis sa itinayong checkpoint nang bumuhos ang malakas na ulan dakong alas-10 ng gabi, kaya napilitan silang sumilong sa waiting shed na kasama ang ilang sibilyan.
Dahil sa hindi inaasahang may magaganap na karahasan ay kuntento ang mga biktima, subalit isang pampasaherong dyip ang tumapat sa kinasisilungan ng mga pulis at ilang sibilyan.
Dito nagsimulang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril mula sa loob ng dyip na pinaniniwalaang mga rebeldeng New Peoples Army ang mga lulan.
Hindi naman nasiraan ng loob ang mga pulis na sugatan at nagawa pang makaganti ng putok sa mga rebelde na lulan ng dyip. (Christian Ryan Sta. Ana)