Sa ulat ni P/Senior Supt Hernando Zafra, provincial director, patungong bayan ng Mariveles ang Bataan Transit Bus (CWW-540) na minamaneho ni Marcelino Balili nang sumakay ang dalawang rebelde na nagpanggap na mga pasahero sa bahagi ng San Fernando City, Pampanga at pagsapit sa nasabing lugar ay tinutukan ng baril ang drayber kaya napilitang ihinto at humarang na ang iba pang rebelde, ayon sa pagsisiyasat ni SPO2 Bobby Singca.
Ayon pa sa ulat, pinababa ang drayber, konduktor at 14 na pasahero ng bus bago binuhusan ng gasolina ng isang rebelde ang harapang bahagi ng naturang bus saka sinilaban at tuluyang tinupok ng apoy kasama ang mga itinagong malaking halaga ng suweldo ng drayber at konduktor.
Napag-alamang binalewala ng may-ari ng bus ang kahilingan ng mga rebelde na magbigay ng revolutionary tax kaya isinagawa ang pananabotahe.
Kinumpirma naman ni Domiciano Dacion, general services officer sa Bataan na totoong nakatanggap sila ng sulat sa mga rebeldeng NPA may anim na buwan na ang nakalipas, subalit binalewala nila dahil sulat kamay na nakatala sa yellow paper.
Sinabi pa ni Dacion na nakatanggap din sila ng sulat mula naman sa Rebolusyunaryong Hukbo ng Bayan, subalit binalewala rin nila at ipinadala lang sa Manila. (Jonie Capalaran)