Ang biktimang itinago sa pangalang "Joy" ng Zamboanga ay personal na dumulog kina SBMA Chairman Commodore Feliciano "Fil" Salonga at Administrator/CEO Armand C. Arreza na kasalukuyang isinasailalim sa masusing medical analysis at maging ang ibinibigay na legal support sa biktima.
Kaagad namang nagtungo ang ilang representante ng DoJ at DFA sa SBMA, kung saan magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naganap na pang-aabuso ng limang kawal ng 21st Marine Expeditionary Unit-US Marine Corps (21st MEU-USMC) lulan sa aircraft carrier na USS Essex at pansamantalang hindi rin ibinunyag ang kanilang mga pangalan.
Napag-alamang naganap ang insidente sa loob ng inarkilang Starex van (WKF162) noong Martes (Nobyembre 1) ng gabi habang kasama nito ang dalawang kaibigan na kapwa nagsilbing escort sa isang US Navy personnel na kanilang kaibigan.
Nabatid na lango sa alak ang biktima kung kayat hindi na nakapanlaban sa mga suspek habang siya ay pinilahan.
Kinabukasan, kasama ang dalawang kaibigan ay kaagad na nagsumbong ang biktima sa mga kinauukulan at maging sa pamunuan ng USS Essex sa pangunguna ng commanding officer na si Navy Capt. Marty J. Keaney.
Pansamantalang pinigilan na makaalis sa bansa at kasalukuyang nakakulong ang anim na sundalo sa US Embassy sa Maynila habang hinihintay ang pagdinig ng kaso na isinampa ng biktima at ng ilang kasamahan nito na naging pangunahing saksi sa krimen.