Kolektor ng revolutionary tax, tiklo

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturing na kumander ng rebeldeng New People’s Army makaraang salakayin ang pinagkukutaan nito sa Barangay Bagong Bayan, Ligao City, Albay kahapon ng umaga. Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Elmer Arevalo, alyas "Ka Ryan", 32, lider ng Platoon Yunit Guerilla at residente ng Barangay Sinungtan sa bayan ng Guinobatan, Albay. Bandang alas-11 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan ng 97th Infantry Battalion ng Phil. Army at pulis-Ligao, Albay ang kuta ni Arevalo. Si Arevalo ay naatasan ng pamunuan ng makakaliwang kilusan na mangkulekta ng revolutionary tax sa mga negosyante sa buong lalawigan ng Albay. (Ed Casulla)

Show comments