Binata dedo sa karibal

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Isang binata ang hindi na umabot pa ng buhay sa hospital matapos na ito ay tambangan at pagsasaksakin ng kaniyang karibal habang naglalakad papauwi na sa kanilang lugar kahapon ng madaling-araw sa Sitio Nabulwag, Brgy. Naranggasan, Milagros, Masbate.

Dead-on-arrival sa De Castro Hospital ang biktimang si Joel Ibañez, binata at residente ng Brgy. Tinaklipan, ng naturang bayan habang ang suspek na agad tumakas ay nakilala namang si Bobby Victoria alyas Bop-Bop, nasa hustong gulang.

Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang ang biktima ay naglalakad papauwi na sa kanilang bahay galing sa sayawan ng harangin at pagsasaksakin ng suspek sa nasabing lugar.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nagselos ang suspek sa biktima dahilan sa madalas nitong pakikipagsayaw sa dalagang kaniyang nililigawan.

Ang kasong ito ay kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya. (Ed Casulla)

Show comments