3 ‘tulak’ tiklo sa 2 kilo marijuana

BULACAN – Tatlong mga pinaniniwalaang tulak sa ipinagbabawal na gamot kabilang ang isang ginang ang naaresto ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sanhi ng pagkakakumpiska ng may dalawang kilo ng marijuana sa Brgy. Campombo, Sta. Maria, ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na tinanggap ng Bulacan PNP Intelligence and Investigation Branch sa Kampo Hen. Alejo Santos sa Malolos, ang mga natimbog ay kinilalang sina Romeo Ordonez, 47, may-asawa, John Cayco, 22, binata at Michelle Lunos, 30, may-asawa, at pawang residente ng Brgy. Tangke, Malinta, Valenzuela.

Nabatid na dakong alas-9 ng gabi nang madakip ang tatlong suspek habang aktong binebentahan ang isang poseur buyer na pulis ng dalawang kilong pinatuyong marijuana matapos ang limang araw na surveillance laban sa mga ito.

Ang mga suspek ay nagbabagsak umano ng mga pinatuyong marijuana at iba pang uri ng illegal na droga sa nabanggit na lugar.

Ang mga suspek ay sinampahan na ng kaso at walang inirekomendang piyansa sa kanilang pansamantalang kalayaan. (Efren Alcantara)

Show comments