Pulis vs robbery/holdup gang: 5 todas

CAMP CRAME – Apat na hinihinalang big time robbery/ holdup gang kabilang ang lider ng grupo at isang pulis ang napaslang matapos ang umaatikabong bakbakan sa raid ng mga awtoridad sa safehouse ng mga suspek sa Tagum City, Davao del Sur kamalawa ng madaling-araw.

Batay sa ulat na tinanggap ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao, dakong alas-2 ng madaling-araw nang salakayin ng magkakasanib na operatiba ng Tagum City Police at 101st Provincial Police Mobile Group (PPMG) ang hideout ng robbery/holdup gang sa Soriano compound, Brgy. Apokon ng lungsod.

Kinilala ang napatay na lider ng grupo na si Jessie Quindao habang inaalam pa ang mga pangalan ng tatlo pa sa mga tauhan nito. Ang grupo ni Quindao ay nahaharap sa serye ng kaso ng robbery/holdup sa kanilang lugar.

Idineklara namang dead-on-arrival sa Davao Regional Hospital sa Apokon, Tagum City si PO1 Manuel Malingin, kasapi ng 101st PPMG matapos na magtamo ng matinding sugat sa engkuwentro.

Nabatid na matapos makumpirma ang presensiya ng mga suspek sa kanilang safehouse sa nasabing lugar bitbit ang warrant of arrest ay sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang safehouse nina Quindao.

Sa kabila ng pagbibigay ng warning shot ng raiding team ay tumangging sumuko sina Quindao na agad na binakbakan ang mga awtoridad na nauwi sa ilang minutong shootout na ikinasawi ng apat na suspek at isang pulis.

Kabilang sa mga kasong kinakasangkutan ni Quindao ay ang pagpatay sa isang salesman ng International Pharmaceuticals Inc, manufacturer at distributor ng Efficascent oil at iba pang produktong pharmaceuticals kamakailan.

Narekober sa lugar ang tatlong .38 caliber revolvers, isang hand grenade, tatlong pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang kulay itim na Honda TMX na walang plaka. (Joy Cantos)

Show comments