Presidente ng asosasyon, itinumba

CAVITE – Tinambangan at napatay ang isang 34-anyos na presidente ng asosasyon ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa kahabaan ng kalsadang sakop ng Barangay Talaba 2 sa bayan ng Bacoor, Cavite, kamakalawa. Limang bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ni Rommel Ampatin, supervisor ng SM Mall at presidente ng Progressive Community Association sa Tabing ilog sa nabanggit na barangay. Sa pagsisiyasat ni PO3 Joel Malinao, naitala ang krimen dakong alas-8:00 ng gabi habang papauwi ang biktima mula sa trabaho nang abangan at pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki. Kasalukuyang nangangalap ng impormasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo ng krimen. (Cristina Timbang)

Show comments