Kinilala ni P/Supt. Clifton Empiso, hepe ng Biñan PNP, ang mga inakusahang holdaper na napatay na sina Leonardo Ronquez, 45, alyas "Nardo" ng Tawi-tawi St. South City Homes, Biñan, Laguna at itinuturong lider ng Bakawan Robbery Holdup Gang.
Napatay din ang isang tauhan ni Ronquez na nakilalang si Juan Fernandez, alyas "Jhonny" matapos na makipagbarilan sa mga umaarestong pulisya.
Ayon sa ulat, armado ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Hilario Corquera ng Biñan Regional Trial Court Branch 25 ay nilusob ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng dalawang akusadong holdaper sa bahay ng kanilang kaanak na may birthday.
Papalapit palang sana ang mga pulis sa kinaroroonan nina Ronquez nang bigla paputukan ang dalawa na kung saan tinamaan kaagad sa braso at dibdib si SPO1 Francisco Dorante na nakatalaga sa RIO-4A at ngayoy nagpapagamot sa Perpetual Help Hospital sa bayan ng Biñan. Gumanti naman ang pangkat ng pulisya hanggang duguang bumulagta sina Ronquez at Fernandez. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)