Tinanggap ni Congressman Albert Garcia ng ikalawang distrito kaharap sina Orion Mayor Tony Peps Raymundo, Pilar Mayor Charlie Pizarro at Bagac Mayor Wawaw Ramos ang certificate of award ng patrol boat kay Remedios Ongtangco, director ng BFAR ng Region-3 dakong alas-9:30 ng umaga na isinagawa sa Port of Orion, Orion Bataan.
Sinabi ni Cong. Garcia na malaking tulong ito sa lalawigan ng Bataan sa programang isinusulong ni Bataan Governor Enrique Garcia na buong paglaban sa mga pirata at mga illegal fishermen sa nasasakupang bahagi ng lalawigan ng Bataan.
Ayon naman kay Director Ongtangco, sinsero ang pamunuan ni Gobernor Garcia sa kanyang programa na mahigpit na ipinatutupad ang pagsugpo sa illegal fishing sa pamamagitan ng dynamite, sudsod, paggamit ng pinong fishnet at ibang pang uri ng illegal na paggamit ng panghuli ng isda.
Ipinahayag ni Imelda Inieto, hepe ng Provincial Agriculture ang patrol boat na may haba na 28 footer na may bilis na 29 knots, 108 horse power at maglalaman ng walong katao ay ginawa sa pamamagitan ng fiber glass sa bansang Spain.
Sinabi pa ni Inieto na umabot na sa 319 kaso ng illegal fishing ang naisasampa na sa korte sa Bataan simula noong Enero hanggang Hunyo 2005 subalit isa pa lamang ang natuluyan, karamihan na nahuhuli ay pinagmumulta lamang ng mula sa P2,000 hanggang P20,000 depende sa bigat na isinampang kaso sa mga ito.
Ayon kay Ongtangco panglima ang patrol boat na ito sa ipinamahagi ng BFAR Region-3 sa Pilipinas sa pamamagitan ng grant. Ang mga lalawigan na nakinabang sa programang ito ay ang Bataan, dalawa; isa sa Olongapo City; Zambales at Aurora. (Jonie Capalaran)