Totoy nalitson sa gasera

ANTIPOLO CITY – Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 10-anyos na lalaki makaraang malitson sa sumiklab na gasera habang natutulog ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay San Roque sa nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa sa East Medical Center, subalit binawian ng buhay ang biktimang si Jovel Nabol, grade 4 pupil at residente ng Poterosa Heights sa nabanggit na barangay.

Napag-alaman kay PO2 Rodel Druja na bandang alas-8:45 ng gabi nang sindihan ng ina ang gasera saka inilagay sa itaas ng tokador na nasa uluhan ng mga bata kabilang na ang biktimang natutulog.

Pansamantalang iniwan ng inang si Jean Nabol ang kanyang mga anak upang bumuli ng pagkain sa kalapit na tindahan.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, makalipas ang kalahating oras ay pabalik na sa bahay si Jean, subalit namataan niyang umuusok sa labas kaya nagmamadaling pumasok.

Dito namataang walang ulirat ang biktima habang nasusunog ang buong katawan partikular na ang ulo, habang nag-iiyakan naman ang dalawa pa nitong utol na may edad na 5 hanggang 6-anyos.

Nagmamadaling inapula ang apoy sa buong katawan ng biktima at mabilis na isinugod sa nabanggit na ospital, subalit binawian din ng buhay dahil sa matinding pagkasunog sa buong katawan.

May teorya ang pulisya na nahulog ang gesara sa katawan ng biktimang natutulog kaya naganap ang insidente.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang ina ng biktima dahil sa kapabayaan nito na naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak. (Edwin Balasa)

Show comments