Sa pahayag nina Victoria de los Reyes at John Benedict Sioson, corporate secretaries ng POTC at Philcomsat, dinaya ng grupo ni (Manuel) Nieto, na kinakatawan ni Locsin at Labastilla ang hukumang ito dahil inilihim ang impormasyon ukol sa mga tunay na nangyari bago nila isinampa ang kaso.
Sa kanilang sagot sa reklamo ni Locsin, hiniling nina de los Reyes at Sioson sa Sandiganbayan na parusahan sina Locsin at Sabastilla dahil sa contempt o paglapastangan sa hukuman.
Sa reklamong iniharap kamakailan ni Locsin, sa pamamagitan ni Sabastilla ay inakusahan ang grupo ni POTC at Philcomsat president Victor Africa, kasama sina de los Reyes at Sioson, na pagpapanggap na mga opisyales sila ng nasabing mga kompanya.
Ayon naman kina de los Reyes at Sioson, ang katotohanan ang magpapatunay na ang grupo ni Nieto, kasama si Locsin, ang mga huwad na opisyales ng POTC at Philcomsat.
Halimbawa, sinabi nina Locsin at Labastilla na ang grupo ni Nieto ang nahalal sa board at management ng POTC at Philcomsat sa pamamagitan ng mga pagpupulong noong Agosto 2004 batay sa proxies na inisyu ng Independent Realty Corp. (IRC) at Mid-Pasig Land Development Corp. para sa 40 porsyentong sosyo sa POTC.
Ngunit sinabi nina Locsin at Labastilla na noon pang Disyembre 20, 1999 ay nagdesisyon na ang 4th Division ng Sandiganbayan na pinawawalang-bisa ang mga sosyo ng IRC at Mid-Pasig sa POTC, kasama na rin ang Philcomsat.
Ibinulgar din nina de los Reyes at Sioson ang paglilingid nina Locsin sa desisyon ng Supreme Court noong Hunyo 15, 2005, o tatlong buwan bago nagsampa ng reklamo si Locsin, na kinakatigan ang desisyon ng Sandiganbayan noong Disyembre 20, 1999 na nagpapawalang-bisa nga sa mga POTC shares ng IRC at Mid-Pasig.
Sa kasunod namang desisyon ng Korte Suprema noong Sept. 7, 2005, pinal nang ibinasura ang paghahabol ng IRC at Mid-Pasig sa anumang sosyo sa POTC at Philcomsat.
"Bilang resulta, ang pagkakahalal" ni Locsin ay maliwanag na walang-bisa," ayon kina de los Reyes at Sioson.
Sa kanyang reklamo, tinukoy din ni Locsin ang order ng Securities and Exchange Commission na pinapanigan ang mga stockholders meeting na isinagawa ng grupo ni Nieto noong Agosto 5 at 9, 2005 kung kailan nahalal diiumano ang grupo sa board ng POTC at Philcomsat.
Ngunit hindi naman binanggit ni Locsin na pinigil ng Court of Appeals ang pagpapatupad ng kautusan ng SEC.