Fetus itinapon sa ilog

LEGAZPI CITY – Isang fetus na may kasariang babae ang itinapon ng hindi kilalang babae sa ilog na sakop ng Purok 1 sa Barangay San Vicente sa Tabaco City, Albay, kamakalawa. Dakong alas-2 ng hapon nang mamataan ni Venancio Campit ang nakalutang na fetus sa nabanggit na ilog. Base sa pagsusuri, lumitaw na anim na buwan pa lamang ang natagpuang fetus na malapit nang maagnas. May teorya ang pulisya na pinalaglag ang fetus ng hindi kilalang babae bago itinapon sa ilog upang takasan ang responsibilidad na maging ina. (Ed Casulla)
Misis nabaril ng senglot na mister
BATAAN — Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 34-anyos na misis matapos na mabaril sa mukha ng sariling mister na senglot habang nagtatalo ang mag-asawa sa kanilang bahay sa Doña Nene Subd., Barangay Alas-asin sa bayan ng Mariveles, Bataan kamakalawa. Agaw-buhay sa Bataan General Hospital dahil sa tama ng bala sa kanang mukha ang biktimang si Teresita M. Waquin, isang factory worker sa Bataan Economic Zone. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Samuel V. Waquin, 40, security guard. Sa pagsisiyasat ni SPO3 Deo Vic Mudo Jr., ganap na alas-9 ng gabi nang dumating sa kanilang bahay ang suspek na lango sa alak. Napag-alamang ikinagalit ng biktima ang pagiging senglot ng suspek kaya humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa aksidenteng mabaril nito ang misis. (Jonie Capalaran)
Estudyante sinumpak, tigok
CAVITE – Isang 14-anyos na estudyante ang kumpirmadong nasawi habang kritikal naman ang kasamahan nito makaraang mapagtripang barilin ng kapwa estudyante sa bahagi ng Barangay Fatima sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Ang biktimang si John Paul Ganir, 1st year sa Dasmarinas National High School ay napuruhan ng bala ng sumpak, samantala, si Edison Nabarta, 14, ng Barangay San Andres ay ginagamot sa Jose P. Rizal Hospital. Nadakip naman ang suspek na si Dranreb "Duro" Santos, 18, ng Barangay Datu Ismael ng bayang nabanggit. Ayon kay PO2 Lorenzo Balbuena, naitala ang krimen dakong alas-2:20 ng madaling-araw habang naglalakad papauwi ang dalawang biktima mula sa dinaluhang party. Sa hindi nabatid na dahilan ay nakatuwaang barilin ng sumpak ng suspek ang magkaibigan na pinaniniwalaang lango sa bawal na gamot. (Cristina Timbang)

Show comments