Kinilala ni Police Chief Insp Antonio Yarra, hepe ng pulisya sa bayang ito ang tatlong suspek na sina Jaime Baybayon, 28; Cesar Calavisillas, 35; at Michael Abilong, 30, pawang mga residente ng Brgy. Sampaloc 4, ng bayang ito.
Batay sa report na nakalap mula kay PO1 Antonio Gutierrez, may hawak ng kaso, ganap na alas-5:30 ng hapon nang maaresto ang mga suspek.
Nauna rito, hinoldap ng mga suspek ang isang pampasaheong jeep na walang plaka at bumibiyahe ng Paliparan-Dasma Proper. Nagpanggap ang mga ito na pasahero at nang makakuha ng pagkakataon ay nagdeklara ang mga ito ng hold-up.
Matapos limasin ang mga pera, alahas at cellphone ng mga pasahero ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek na armado ng cal .38 revolver, cal .22 at isang balisong.
Isa sa mga biktima na nakilalang si Jennifer Sabangan ang nakakilala sa mga suspek at ng magreport ito sa pulisya ay agad na nagsagawa ng follow-up ang Dasmariñas PNP. Ilang oras ang lumipas ay nadakma ang mga suspek dala pa ang mga ninakaw at ang mga armas na ginamit sa panghoholdap. Narekober sa mga ito ang iba pang mga kagamitan, alahas, cellphone at pera ng mga pasahero.
Ayon pa kay P/C Insp. Yarra, ang mga suspek ay hinihinalang responsable sa serye ng highway robbery at bumibiktima ng aircon bus. (Cristina Go-Timbang)