Ayon kay Baguio City Police chief Sr. Supt. Isagani Nerez, nakita ang naturang bomba dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa tapat ng PDEA office na matatagpuan sa Melvin Jones Grandstand, Harrison Road.
Nakalagay ang bomba sa isang walong pulgadang PVC pipe at mayroong timing device kung saan nakatakdang sumabog ito dakong-alas-7 ng umaga kahapon.
Sinasabing kung hindi naagapan ang pagkakatagpo sa bomba ay posibleng maraming residente ng lugar na may ilang metro lamang ang layo sa gusali ng PDEA ang posibleng madamay.
Dahil dito, agad na hinigpitan ang seguridad sa nasabing lugar upang maiwasan ang pagkakaulit ng insidente. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable sa pagtatanim ng time bomb sa PDEA.