Bata pisak sa road test ni kapitan

Balanga City, Bataan – Napisak ang katawan ng isang 3 anyos na batang babae matapos magulungan ng pampasaherong jeepney na itini-test drive ng isang brgy. chairman sa Brgy. Parang-Parang, Orani ng lalawigang ito kamakalawa.

Kinilala ni Supt. Asterio Cumigad, hepe ng Orani Municipal Police Station ang nasawing biktima na si Joan Roy Sioson, anak ng mag-asawang Juanito at Florence Sioson ng Sitio Sibul, Brgy. Parang -Parang, Orani.

Base sa imbestigasyon, kasalukuyang tini-test drive ng suspek na si Brgy. Chairman Regalado Salonga, 50 anyos ang kaniyang Sarao na pampasaherong jeepney na may plakang CHB-702 nang mabundol ang tumatawid na biktima sa highway ng nasabing barangay.

Ang biktima na noon ay kasalukuyang naglalaro ay nakaladkad pa ng nasabing sasakyan may 50 metro sa pinangyarihan ng insidente.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide sa Orani Municipal Trial Court (MTC) ang suspek. (Jonie Capalaran)

Show comments