Kinilala ng pulisya ang nawawalang biktima na si Carol Borromeo habang ginagamot na ang mga kasamahang estudyante sa H-Vill Hospital matapos na magtamo ng mga pasa at sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan bunga ng mga binasag na salamin ng bus sa isinagawang rescue operations.
Ayon kay Rizal Provincial Director Sr. Supt. Freddie Panen, naganap ang insidente dakong alas-11:20 ng umaga habang lulan ang may 61 katao kabilang ang 57 estudyante ng Pasay City South High School sa Greenstar Bus (DVA-289) galing sa field trip sa Avilon Zoo sa Brgy. San Rafael ng nasabing bayan.
Nabatid na habang palabas ng nasabing zoo ang bus na minamaneho ni Richard Bustos ay hindi nito nakontrol ang manibela dahil sa sobrang dulas ng kalsada bunga na rin ng malakas na agos ng tubig kaya nagtuluy-tuloy ito sa ilog. Mabuti na lamang ay mabilis na sumaklolo ang mga residente sa nasabing lugar na nakasaksi sa insidente. Binasag ng mga ito ang mga salamin ng bus at isa-isang iniahon ang mga estudyante.
Habang sinusulat ang ulat na ito, naiahon na ng rescue team ang bus subalit hindi nakita ang batang si Borromeo na pinaniniwalaang tinangay ng malakas na agos ng tubig.