35 NBI agents kakasuhan ng harassment

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ng isang kumpanya ng yero ang may 35 ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y ilegal na pagsalakay at pakikipagsabwatan sa kalabang kumpanya nito sa Cavite.

Sinabi ni Atty., Joel Butuyan, legal counsel ng Sonics Steel Industries Inc., inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong harassment at iba pang kasong administratibo sa opisyal at tauhan ng NBI-Intellectual Property Rights Division. Maging aniya ang kalabang kumpanya ng kanyang kliyente na Steel Corporation na umano’y "kinasabwat" ang NBI sa paninira sa Sonics ay kakasuhan din.

Pinabulaanan ni Butuyan na gumagamit sila ng pekeng yerong bakal. Niliwanag nito na noong 1980 pa umano ipinagbawal ang paggamit ng patent ng alinmang kumpanya upang angkinin ang eksklusibong paggawa sa mga yerong bakal kaya wala silang paglabag na ginawa.

Inakusahan nito ang NBI na nakipagsabwatan lamang sa Steel Corp. para sirain ang kanilang imahe dahil sa hindi naman kinumpiska ang mga produkto nila at tanging maliliit na sampol at spare parts ng kanilang makina ang kinuha.

Sa kabila aniya ng pagsisilbi ng search warrant ng NBI sa pamumuno ni Atty. Jose Yap, iginiit na dapat ay nagsagawa muna ng surveillance ang NBI upang makumpirma ang sumbong sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments