Kinilala ang batang biktima na si Ulia Pajarda, Grade 6 sa Yawe Elementary School at residente ng naturang barangay.
Base sa ulat ni PO2 Nicanor Villareal, may hawak ng kaso, dakong alas-4 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng bata sa gilid ng isang sapa ng barangay.
Nauna rito, napag-alaman ng awtoridad na bandang ala-1 ng hapon ng nasabi ring araw ay nagpaalam ang biktima sa kanyang mga magulang na pupunta sa kagubatan upang kumuha ng panggatong.
Nag-alala na ang mga magulang ng biktima nang umabot na sa tatlong oras ay hindi bumabalik ang bata kung kayat agad na hinanap ito sa lugar kung saan siya tumungo hanggang sa makita ito sa tabi ng sapa.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Villareal, posibleng hinalay ang bata at pinatay ito sa pamamagitan ng pagsakal sa leeg gamit ang isang t-shirt. Malaki ang paniwala ng kapamilya ng biktima na isang lulong sa ipinagbabawal na gamot at wala sa katinuang pag-iisip ang responsable sa krimen.
Inatasan na ni Mayor Ding Villena ang pulisya na resolbahin sa lalong madaling panahon ang brutal na pang-aabuso at pagpatay sa biktima at tukuyin ang suspek upang masampahan ng karampatang kaso. (Tony Sandoval)