Sa ulat ni AFP-Southern chief Lt. General Alberto Braganza, ang suspek na si Alex Kahal alyas Alex Alvarez ay sugatang nadakip matapos na manlaban sa bagong tatag na anti-terror Task Force Zamboanga na pinamumunuan ni Col. Edgardo Gidaya.
Napag-alamang si Kahal ay sangkot sa pambobomba sa Shop-O-Rama Market sa Malagutay noong Oktubre 2002 na kumitil ng tatlong buhay kabilang na ang isang kasapi ng US Special Forces at ikinasugat ng hindi nabatid na bilang na sibilyan. Sangkot din si Kahal sa pagdukot sa 50 guro at estudyante ng Claret Elementary School at Tumahubong National High School sa Punoh Mahaji, Sumisip, Basilan noong Marso 2000.
Ang grupo rin ni Kahal ang responsable sa pambobomba sa SuperFerry 14 noong Pebrero 27, 2004 at serye ng Valentines Day bombing sa Makati City may ilang buwan na ang nakalipas.
Si Kahal na kasama sa 15-man demolition team kabilang si Abu Kosovo na nagsanay sa Barangay Usao, Patikul, Sulu ay ginagamot sa Camp Navarro Hospital sa Punong-tanggapan ng Southern Command dahil sa tinamong tama ng bala sa ibabang bahagi ng katawan. (Ulat nina Joy Cantos at Roel Pareño)