Hukom, kinastigo ng Supreme Court

Pinarusahan ng Supreme Court ang isang hukom ng Dumaguete Regional Trial Court makaraang humawak ng isang kaso na ang kanyang manugang ang tumatayong abogado ng isa sa mga partido. Pinagmulta ng P11,000 ng Korte Suprema si Judge Ibarra Jaculbe Jr. ng Dumaguete Regional Trial Court Branch 24.

Base sa record ng Supreme Court, lumabag si Judge Jaculbe sa probisyon ng Code of Judicial Conduct na nakasaad na hindi maaaring maglitis ang isang hukom sa isang kaso kapag kapamilya ang kasali o kaya hanggang ikaanim na lebel.

Kasama rin dito ang mga tumatayong abogado o saksi na kasali sa naturang kaso.

Hindi tinanggap ng Supreme Court ang argumento ni Judge Jaculbe na ang kanyang manugang ay isa lamang additional counsel at may pagsang-ayon ang kabilang kampo sa pagiging abogado nito.

Wala rin umanong factual o legal na isyu ng kaso upang maging biased o kumampi siya sa partido na hinahawakan ng kanyang manugang dahil sa ang magiging hatol ay ibabase lamang sa compromise agreement ng magkabilang kampo. (Danilo Garcia)

Show comments