Bomba sumabog sa palengke

KORONADAL CITY – May posibilidad na may kaugnayan sa nalalapit na halalan ng ARMM sa Agosto 8, 2005 ang sumabog na improvised explosive device sa harapan ng pamilihang bayan ng Koronadal City na ikinasugat ng malubha ng isang pedicab drayber at dalawa pang katao nang sumabog kahapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Rey Nobleta, 31, drayber, ng Barrio 4; Renato Bayona, 33, ng Brgy. Paraiso at Joelyn Magbanua, 21, ng Isulan, Sultan Kudarat.

Napag-alamang namataan ng isang drayber ang isang hindi kilalang lalaki na bumaba sa traysikel at nagpaalam sa drayber na may bibilhin lamang.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay biglang sumabog ang sinakyang traysikel ng lalaki sa nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, ang bomba na gawa sa .60mm mortar ay inilagay sa sako na puno ng mga itlog.

Nabatid pa sa ulat na dalawang bomba pa ang kanilang natagpuan sa magkakaibang lugar sa bahagi ng pamilihang bayan.

May teorya ang military na posibleng diversionary tactic ito ng grupong Abu Sayyay dahil sa patuloy na pagtugis sa kanilang pinuno na si Khadaffy Janjalani sa bahagi ng Maguindanao. (Ulat ni John Paul Jubelag)

Show comments