Miyembro ng sindikato patay sa shootout

Camp Crame – Patay ang isang hinihinalang miyembro ng sindikato habang nasa kritikal namang kondisyon ang isang pulis nang manlaban sa mga awtoridad habang isinisilbi ang warrant of arrest sa naganap na shootout sa Balasan, Iloilo kamakalawa.

Dead-on-arrival sa Balasa District Hospital ang suspek na kinilalang si Hernando Baria, wanted sa kasong illegal possession of firearm at umano’y kasapi ng gunrunning syndicate.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Iloilo Doctors Hospital ang nasugatang pulis na kinilala lamang sa apelyidong SPO1 Yap.

Batay sa report, dakong ala - 1:30 ng madaling-araw nang magtungo ang mga operatiba ng pulisya sa tahanan ni Baria upang dakpin ito na matatagpuan sa Sitio Asaw, Brgy. Lawis ng bayang nabanggit.

Gayunman, tumangging sumuko ang suspek na agad pinaputukan ang arresting team na nauwi sa shootout na siya nitong ikinamatay. (Joy Cantos)

Show comments