Sa report ni Negros Occidental Provincial Health Officer Dr. Luisa Efren sa DOH, patuloy na tumataas ang antas ng AIDS sa lalawigan kung saan may 20 katao na ang namamatay simula noong 1993 sa nasabing karamdaman.
Pinakahuling nasawi ay ang isang 30 anyos na seaman na matagal ng naratay sa isang pagamutan simula pa noong Mayo.
Bukod sa mga nasawi, nakapagrekord rin ang Provincial Health Office ng lima pang biktima ng AIDS na kusang loob na lumapit sa kanila.
Ang mga biktima ay nasa pangangalaga na ng lokal na pamahalaan upang hindi na makahawa pa.
Nanawagan naman sa Media Advocates on Reproductive Health and Empowerment na tutukan ngayon ng pamahalaan ang pagbabantay sa pagkalat ng AIDS at Human Immune Deficiency Virus (HIV) sa bansa lalo na at patuloy pa rin ang pagtaas ng antas ng prostitusyon.
Pinayuhan rin ang mga kinauukulan na gumamit ng contraceptive partikular na ang mga seaman na natutuksong makipagtalik sa ibang babae sa pagdayo ng mga ito sa ibang bansa.