Ayon sa tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Phil. Army na si Lt. Col. Serafin Raymundo na nakabase sa bayan ng Pili, Camarines Sur, nagsagupa ang tatlong pangkat ng rebelde na pinamumunuan nina Kumander Tinsay, Kumander Bernie at grupo ni Kumander Torsing ng Jallores Command.
Ayon kay Raymundo, nagsimula ang sagupaan bandang alas-9:30 ng umaga hanggang ala-una ng hapon na nagresulta sa pagkamatay ng labing-anim na rebelde.
Ang sagupaan na tumagal ng limang oras at kalahati ay naging sanhi para magsilikas ang apat-naput-limang pamilya patungo sa Barangay Pili na kinakanlong ngayon ng municipal social and development office sa bayan ng Caramoran, ayon sa ulat.
Napag-alaman na bago maganap ang sagupaan ng tatlong pangkat ng NPA rebels ay nakasagupa ng mga tauhan ng 42nd Infantry Battalion ang isang pangkat ng rebelde na nagresulta sa pagkamatay ng isang NPA.
Nagpulasan ang mga rebelde na nakasagupa ng mga tauhan ni Lt. Col. Noli Perfecto ng 42nd Infantry Battalion patungo sa kagubatan ng Barangay Bicalin, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagsagupa ang tatlong pangkat ng rebelde na pinaniniwalaang sinimulan ng mga tauhan ni Kumander Torsing. Kasalukuyang nagpadala na ng tropa ng military sa pinangyarihan ng sagupaan upang maberipika ang mga napatay na rebelde. (Ulat nina Celso Amo at Ed Casulla)