Misis tinodas ni mister

BAGUIO CITY — Pinagpapalo ng kahoy hanggang sa mapatay ang isang 33-anyos na misis ng sariling asawa matapos ang matinding bangayan sa kanilang bahay sa Green Summerville sa bahagi ng Bakakeng Norte ng nasabing lungsod.

Ayon kay P/Sr. Supt. Isagani Nerez, Baguio City director, naaktuhan ng mga tauhan ng pulisya ang suspek na si Noel Mawi-it Luminang, 33, na hila-hila ang bangkay ng asawang si Rizza Chalipo Luminang, 33 upang itapon sa nasabing lugar.

Base sa ulat, dakong alas-singko ng hapon ng Biyernes (July 8) nang umuwi ang biktima at nadatnan ang asawa.

Ilang sandali ang nakalipas ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa hindi nabatid na dahilan hanggang sa maganap ang krimen.

Dahil sa pagkabigla ay naisipan ng suspek na itago ang krimen, kaya’t kinaladkad ang bangkay ng asawa patungo sa ’di-kalayuang creek para itapon, subalit naaktuhan siya ng pulisya na itinawag ng kapatid na lalaki ng biktima. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments