Ayon kay Carlito Ballesta, health education promotion officer, ang nasawing biktima ay mula sa Barangay Tambacan at ang iba naman ay residente ng ibat ibang barangay.
Ayon sa mga opisyal ng Department of Health na nakabase sa Iligan City, ang kaso ng 37 biktima ng dengue fever ay naitala simula pa noong Mayo at Hunyo 2005 at hindi naman nakakaalarma dahil ang pananalasa ng killer lamok nasa ibat ibang barangay, subalit pinag-iingat ang taumbayan.
Pinayuhan din ng mga opisyal ng DOH ang mga magulang na iwasan ang pagbibigay ng aspirin sa kanilang anak na may mataas na lagnat, bagkus dalhin sa pinakamalapit na ospital upang masuri.
Kabilang sa senyales ng dengue fever ay ang pananakit ng ulo, panghihina, nagdudugo ang gilagid at ilong, ayon pa kay Ballesta.
"Ang killer lamok na tinawag na aedis-egypti ay kalimitang sumasalakay sa pagitan ng dalawa hanggang tatlong oras bago kumalat ang liwanag o kaya sa pagitan ng alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi." Dagdag pa ni Ballesta.