2 NPA utas sa labanan

Dalawang hinihinalang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napatay sa panibagong sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng komunistang grupo sa Ormoc City, Leyte.

Ayon sa ulat na tinanggap ni Army Chief Lt. Gen. Generoso Senga, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na rebelde.

Nabatid na dakong alas-12 ng tanghali ng maganap ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng Alpha Company ng Army’s 19th Infantry Battalion sa ilalim ng pamumuno ni 2nd Lt. Laurel Sibulas sa masukal na bisinidad ng Sitio Banabuyan, Bgy. Manayahay ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Army Spokesman Major Bartolome Vicente Bacarro, kasalukuyang nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng militar sa nasabing lungsod ng makasagupa ang may 15 armadong rebelde.

Sa nasabing pagpapanagpo ay agad nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.

Ang sagupaan ay tumagal ng limang minuto na ikinasawi ng dalawa sa panig ng komunistang grupo habang wala namang naiulat na nasugatan sa tropa ng mga sundalo.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang M16 rifles na gamit ng mga napatay na komunista. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments