Hindi na naisugod sa ospital ang mag-amang Taha Ungkay, isang municipal councilor at Nasrudin Ungkay, 1st year high school matapos na ratratin ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan.
Nakikipaglaban naman kay kamatayan sa ospital ang alalay ni Taha na si Tato Sandigan, isang kasapi ng local militia. Base sa pahayag ng mga imbestigador ng pulisya, lulan ng sasakyan ang mag-ama at escort nito patungong bayan ng Aleason nang magsimulang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng M14 at M16 assault rifles. Nakikipagtulungan naman ang mga tauhan ni Lt. Col. Franklin Del Prado ng Army 6th Infantry Division sa pagtugis ng mga killer patungo sa direksyong bahagi ng Liguasan Marsh sa tri-boundaries ng Maguindanao, North Cotabato at Sultan Kudarat. Naniniwala ang pulisya na may kaugnayan sa politika ang naganap na pamamaslang sa mag-ama. (Ulat ni John Unson)