Bagong BoC collector sa Subic itinalaga

SUBIC BAY FREEPORT – Pormal na nanungkulan kahapon bilang bagong hepe ng Bureau of Customs (BoC) Port of Subic si Collector VI Atty. Andres "Andy" Salvacion kapalit ni Subic District Collector Atty. Marietta Zamoranos sa isinagawang balasahan ni Customs Commissioner Alberto Lina Jr.

Sa simpleng turnover ceremony, sinabi ni Salvacion na mas lalo pang pag-iibayuhin ang performance na makalikom ng mas mataas na koleksyon upang makatulong sa programa na maiangat ang ekonomiya ng bansa.

Si Salvacion, tubong Samar, Leyte, na nanungkulan bilang deputy collector for assessment sa Port of Subic ay inilipat sa Clark Special Economic Zone bilang customs collector sa loob ng anim na buwan bago ibinalik sa BoC-Subic district office.

Habang si Atty. Zamoranos naman ay itinalaga bilang district collector sa Manila International Container Port (MICP) na nagsilbi sa Port of Subic sa loob din ng anim na buwan.

Nangako naman si Salvacion na kanyang susulusyunan ang kasalukuyang namumuong problema sa pagitan ng customs police at miyembro ng Anti-Smuggling Task Force (ASTF) hinggil sa hurisdiksyon sa Naval Supply Depot (NSD).

Matatandaan na nagsimula ang sigalot sa pagitan ng dalawang ahensya matapos ipag-utos ni Anti-Smuggling Task Force (ASTF) chief ret. Lt. Gen. Jose Calimlim na huwag papasukin sa loob ng NSD ang mga miyembro ng customs police hangga’t walang ibinibigay na request letter sa hepe nito na makapagsagawa ng kanilang pagsusuri sa mga container na naglalaman ng mga smuggled goods. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments