Base sa ulat na ipinalabas ni P/Supt. Cedrick Train, hepe ng pulisya sa Batangas City, nakilala ang biktima na si Guillermo A. Gamo, 57, resident Ombudsman ng Batangas at division chief ng Provincial Cooperative Office bilang supervising cooperative development specialist.
Si Gamo ay presidente rin ng Panlalawigang Unyon ng mga Kawani Cooperative (PUKAWCO) at dating kolumnista ng pahayagang local ng diyaryong Tambuling Batangas.
Tinambangan ang biktima dakong alas-7 ng umaga ng dalawang kalalakihang sakay ng motorsiklong walang plaka sa harap ng Makro Batangas habang sakay ng kanyang Toyota Corolla na may plakang NJL-208.
Bagamat sugatan ay naimaneho pa rin ni Gamo ang kotse ng 150-metro, ngunit sinundan pa rin ng dalawang armadong lalaki at saka sunud-sunod na pinaputukan sa harap mismo ng Batangas City Eternal Garden.
Matatandaan na dalawang celebrated cases ang pinaniniwalaang hinahawakan ng biktima tulad ng graft and corruption laban kay Dr. Marcelino Malabanan, hospital director sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery na asawa ni Bokal Ellen Malabanan ng Unang Distrito ng Batangas.
Ang isa pang kaso ay laban naman kay Dr. Emma Bautista, provincial superintendent ng Department of Education (DepEd) sa Batangas na pinaniniwalaang inihabla ng isang guro sa Ibaan, Batangas sa kasong administratibo.
Ayon naman sa pulisya, hindi pa nila maiduduktong ang mga hinahawakang kaso ni Gamo sa pagpaslang sa kanya, ngunit masusi na rin itong pinag-aaralan para sa ikalulutas ng kaso.
Si Gamo ay 25-taong empleyado ng provincial capitol ng Batangas at itinalaga ng dating gobernador at ngayon ay Congressman Hermilando Mandanas bilang resident Ombudsman for Luzon noong 1995.
Ayon kay Maxima asawa ng biktima, marami umanong natatanggap na death threat ang kanyang asawa sa pamamagitan ng sulat, tawag sa telepono at text messages. (Ulat nina Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)