Sasakyan ng DZRH niratrat

CAMP CRAME – Niratrat ng ’di nakilalang mga armadong kalalakihan ang service vehicle ng dzRH radio sa bigong pagtatangka sa buhay ng provincial station manager na si Allan Sison sa Lingayen, Pangasinan kamakalawa ng hapon.

Batay sa ulat, nakaligtas sa tiyak na kapahamakan si Sison dahil nakapasok na ito sa loob ng Consuelo Hotel nang puntiryahin ng mga armadong suspek ang service vehicle ng kanilang himpilan na palagi nitong sinasakyan.

Ayon sa mga imbestigador, tainted ang salamin ng service vehicle kaya inakala ng killer ay nasa loob ng sasakyan ang puntiryang si Sison.

Nabatid na si Sison ay Operations Manager ng dzRH-Dagupan na nakabase sa Pangasinan at host ng programa sa kanilang himpilan.

Ayon kay Pangasinan Police Provincial Director Chief Supt. Ricardo Zapata, si Sison ay dumalo sa isang handaan sa ginanap na kasalan sa Consuelo Hotel nang biglang sumulpot sa lugar ang mga armadong kalalakihan at ratratin ang naturang behikulo.

Sinabi ni Zapata na maging ang mga bisita sa kasalan ay nabulabog matapos marinig ang malakas na putok ng baril sa labas ng hotel. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments