Ibunyag ng isang mapagkakatiwalaang impormante na hindi isinama ng Customs-Subic at ng task force sa representasyon kay Lina ang mga mamahaling alahas (P40-M) at ang 200, 000 piraso ng smart prepaid cards (P60-M) ng dumalaw ito sa freeport noong Biyernes.
Ilang kagamitan tulad ng mga house-wares, appliances, mga sapatos at limang luxury vehicles, pitong passenger van na pawang naka-imbak sa loob ng malaking bodega ng building 1012 sa Naval Supply Depot (NSD) ang ipinakita kay Lina nina Customs collector Atty. Marietta Zamoranos at Anti-Smuggling Task Force chief ret. Lt. Gen. Jose Calimlim.
Maliban pa dito ay isang kulay puting Toyota Landcruiser na may nakalagay sa windshield nito na seized Vehicle na sanay kasama sa representasyon ay nakita at naaktuhang inilabas mula sa loob ng nasabing bodega ng building 1012 ng isang hindi nakilalang customs personnel at dinala sa isang tagong lugar malapit sa nasabing bodega ilang sandali bago nagsagawa ng inspeksyon si Lina.
Napag-alamang nagkakahalaga ng P5-milyon ang naturang sasakyan na itinago at ipinagitna umano sa dalawang 40-footer container van ng NSD at sinasabing ipangreregalo umano kay Lina bago ito bumalik ng Maynila.
Sinubukan ng PSN na makapanayam si Zamoranos upang bigyang linaw ang naturang isyu, subalit ayon sa kanyang secretary na nakilalang Cathy ay abala ito sa kanyang mga gawain at maraming kausap. (Jeff Tombado)