Suspek sa editor slay nadakma

DINGALAN, Aurora – Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing look-out sa pagpaslang kay Philip "Ape Balbas" Agustin, ang publisher at editor ng Starline Times Recorder noong Sabado ng tanghali.

Ayon kay June Roque, NBI-Nueva Ecija director, nasakote sa safehouse sa Barangay Paltik, Dingalan ang suspek na si Rey Morete, pinaniniwalaang kasabwat ng dalawang suspek na nagsagawa ng pagpatay kay Agustin.

Samantala, pinagsisikapan pa ng mga awtoridad na hanapin at arestuhin ang mga kasamahang suspek ni Rey na sina Boyet Morete at Anuel Alday.

Ayon sa imbestigasyon, nakilala ang mga suspek sa salaysay ng mag-asawang Panchito at Isabel Pilapil, isa sa anim na lumantad na mga testigo, na bago naganap ang insidente ay nakita ang mga suspek sa isang videoke bar.

Sinabi naman ni Sr. Supt. Perfecto Palad, pinuno ng Task Force Agustin, na si Boyet ay kilala umanong gun-for-hire at miyembro ng Batang City Jail.

Si Agustin, 54, ay napatay sa loob ng bahay habang naghahapunan kasama ang kanyang anak noong gabi ng May 10, 2005. (Ulat nina Christian Ryan Sta Ana at Angie dela Cruz)

Show comments