P100-M ukay-ukay nasabat

SUBIC BAY FREEPORT – Umaabot sa P100 milyon ukay-ukay na pinaniniwalaang tangkang ipuslit palabas ang Freeport ang nasabat ng mga tauhan ng Enforcement and Security Service-Customs Police District (ESS-CPD) makaraang salakayin sa malaking bodega sa Canal road, Subic Bay Freeport kamakalawa ng umaga.

Sa isinumiteng ulat kay ESS-CPD commander Maj. Camilo "Bong" Cascolan Jr., dakong alas-8:30 ng umaga nang salakayin ang Mexxon International Trading Co., isang rehistradong kumpanya.

Pawang mga ukay-ukay ang laman ng warehouse sa Bldg. 391 at may ilang residente ang naaktuhang namimili ng damit.

Isa sa mga ito ay ang mag-asawang Joel at Susy Masarate, ng 2200 Old Cabalan, Olongapo City, na pinigilang makalabas ng Freeport matapos makumpiskahan ng dalawang bales ng ukay-ukay sa kanilang owner-type jeep.

Tinatayang nasa 35-tonelada ng ukay-ukay ang nasamsam ng BoC police at maliban pa dito ang ilang pang kagamitan, timbangan at mga jetski na pag-aari ng Networxx company ang nakatago sa naturang bodega.

Idinagdag pa ni Cascolan na upang maiwasan pa ang pagpupuslit ng mga used clothings mula sa bodega ay tuluyang ipinad-lock. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments