Ayon kay Noel Alamar, reporter ng DZMM Radyo Patrol at opisyal ng PRO-4 Press Corps, napagkasunduan ng mga mamamahayag na lisanin ang "scheduled" press conference matapos silang pag-antayin ng anim na oras sa lobby ng isang resort sa Pansol, Laguna.
Ani Alamar, inimbitahan ni Chief Superintendent Jesus Versoza, Region 4 Director ang grupo niya para ikober ang gaganaping command conference at masaksihan nila umano ang mga plano at proyekto ng kanyang pamunuan para sa Region 4.
Dagdag pa ni Alamar ng dumating sila sa nasabing resort bandang alas-7 ng umaga sa pag-asang maiiulat nila ang magaganap na komperensya na nakatakdang gawin ng alas-8 ng umaga.
Ngunit laking gulat nalang ng mamamahayag ng sabihan sila ni Supt. Rustico Bascugin, chief ng PIO sa PRO4 na gagawing close door ang command conference at maghintay nalang ang mga ito para sa isang press conference pagkatapos.
Lalo pa umanong nadismaya ang mga mamamahayag ng dumating ang ala-una ng hapon ay wala pa ring balita kung matutuloy pa ang press conference o hindi na.
Hinihikayat naman ng mga reporter si PNP Chief Arturo Lomibao na sumailalim pa sa training ang pamunuan ng Region 4 at ang Public Information Office nito para maging propesyonal ang pakikitungo sa mga mamamahayag. (Ulat ni Arnell Ozaeta)