Sa pahayag ng opisyal ng BoC na ayaw ipabanggit ang pangalan, masyado umanong inaangkin ni Calimlim ang pagkumpiska sa naturang mga kontrabando sa kabila na ang Customs personnel ang siyang nakasabat at nakakumpiska sa mga ito.
Idinagdag pa ng opisyal na hindi naging patas si Calimlim sa pagbibigay ng impormasyon, partikular sa mga mamamahayag kaugnay sa naturang operasyon at ang task force lamang ang tanging ibinibida sa mga press releases nito sa kabila ng katotohanang walang naging partisipasyon ang anti-smuggling sa naganap na pagkumpiska sa kontrabando kundi ang mga BoC personnel.
"Ganyan ang ugali ni Calimlim, maski hindi sa kanilang trabaho ay inaako nila para lamang may mai-report lamang siya kay GMA," pahayag ng opisyal.
Nag-umpisang kuwestiyunin at batikusin ng customs official si Calimlim matapos na maglabas ng press release ang task force sa nakumpiskang kontrabando noong Martes ng umaga na labis namang ikinasama ng loob ng ilang mga BoC personnel sa pag grandstanding nito sa kanilang accomplishment.
"Customs Collector Atty. Marietta Zamoranos issued warrant of seizure and detention, on the basis of which the smuggled shipment was seized this morning by Anti-Smuggling Task Force Subic chief Gen. Calimlim and his agents," Ayon sa huling paragraph ng press release ng ASTF. (Ulat ni Jeff Tombado)