Killer ng mag-biyanan, timbog

CABANATUAN CITY —Bumagsak sa bitag ng mga kagawad ng pulisya ang isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa mag-biyanan sa isinagawang entrapment operation sa Purok I, Barangay Macatbong ng nabanggit na lungsod.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Reynaldo Marlon Oligario, 30, ng Purok 3, habang tinutugis pa ang kasamang si Jerry P. Sunio, 27, ng nabanggit na barangay.

Ayon kay P/Supt. Jesus G. Descanzo, police chief ng Cabanatuan City PNP, ang mga suspek ay responsable sa pagpatay kina Aquilina G. Alejo, 81; at Benjamin de Jesus, 59, noong Lunes ng gabi at pinagnakawan pa ng P50,000 at tatlong alagang baboy.

Maagang nalutas ang kaso dahil sa pakikipag-ugnayan sa pulisya ni Randy Tolentino na nakabili ng tatlong baboy sa halagang P15,000 na ninakaw ng mga suspek.

Ayon kay Tolentino, nagbigay siya ng P10,000 sa mga suspek at kinabukasan (Martes) ang balanseng P5,000. Kinabukasan ay nabalitaan ni Tolentino na pinatay at pinagnakawan ang mag-biyanan na kanyang suki sa baboy at napagtugma ang mga pangyayari kaya agad itong nagtungo sa pulisya hanggang sa masakote ang suspek. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments