3 katao minasaker ng NPA rebels

Tatlong magsasaka ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang sundalo matapos paulanan ng bala ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang behikulong sinasakyan ng mga ito sa naganap na ambus sa Cabiao, Nueva Ecija nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina dating Brgy. Chairman Rogelio Santiago ng Brgy. Bulak, Gapan, Nueva Ecija; Odi Simbulan at Carlito Santiago; pawang mga magsasaka.

Ang mga nasugatan ay nakilala namang sina Melchor Evangelista, Bernardo Pacheco at Sgt. Aceyork Gomez ng First Scout Ranger Regiment ng Army’s 7th Infantry Division (ID).

Sa isang phone interview, agad namang tinukoy ni Lt. Col. Preme Monta , Spokesman ng AFP-Northern Luzon Command na ang grupo nina Armando Heron alyas Commander Rambo, Eddie Villamor alyas Ka Bilog Barlam at John Guinto ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, isang faction ng NPA ang responsable sa madugong insidente na naitala sa Sitio Villa Marina, Brgy. Bagong Sikat, Cabiao ng lalawigang ito bandang alas-4:30 ng hapon.

Sinabi ni Capt. Ruel Rombaoa, Public Information Officer ng Army’s 7th ID, kasalukuyang lulan ng XLT jeep na may plakang SFC 855 ang mga biktima kasama ang nasabing intelligence operative ng Phil. Army habang pauwi galing sa bukid nang tambangan ng mga rebelde.

Bago tuluyang nagsitakas ay tinangay pa ng mga rebelde ang mga armas ng mga biktima na kinabibilangan ng isang M 16 rifle, isang M 14 at isang cal. 45 pistol patungo sa direksyon ng La Paz, Tarlac.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 17 basyo ng M16 rifle, 13 basyo ng M 14, siyam na bala ng M 16 at mga bala ng iba’t ibang kalibre ng baril. Pinaniniwalaang awayan sa lupa ang motibo ng ambus habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Show comments