Sa ulat ni P/Supt. James Afalla , director ng Nueva Vizcaya-1st Provincial Mobile Group kay P/Supt. Ruben Catabona, provincial PNP director, nakilala ang biktimang si PO1 Victor Manghi ng 1st PMG at kapapasok lang sa duty matapos ang kanyang honeymoon sa katatapos na kasal noong Sabado (April 2).
Bandang alas-9:35 ng umaga nang rumesponde ang biktima kasama ang iba pang kagawad ng pulisya matapos na makatanggap ng impormasyong may nagaganap na holdapan sa mga pampasaherong bus sa Sitio Amballo, Barangay Baretbet.
Ayon pa sa ulat, hindi inabutan ng grupo ng biktima ang mga armadong kalalakihan kayat hinati ang puwersa ng PNP sa dalawang pangkat at agad sinuyod ang magubat na bahagi ng nasabing lugar kung saan pinaniniwalaang nagtago ang mga suspek.
Dakong alas-onse ng umaga nang mamataan ng mga awtoridad ang isang bahay sa magubat na bahagi ng Sitio Upper Ay-Ay, Barangay Dagupan, Quezon, kung saan tinangka ng biktima na magtanong, subalit agad siyang pinaputukan ng mga suspek na nasa loob ng nasabing bahay.
Agad na rumesponde ang kanyang mga kasamahan at pinaulanan ng bala ang nasabing bahay, subalit mabilis na nakatakas ang mga suspek. (Ulat ni Victor P. Martin)