Ayon kay P/Chief Supt. Jesus Verzosa, regional director ng PRO-4 (Calabarzon), kabilang sa nakumpiska ay walong replicating machines, pitong bonding machines, limang polycarbonate dryers, 9,365 pirasong pekeng Sony DVD play stations at libu-libong pirasong VCDs.
Ang raid ay isinagawa sa bodega ng Bright Future Technologies, Inc. na pag-aari ni Anthony Bryan Sy matapos na makakuha ng search warrant ang mga awtoridad kay Hon. Antonio Eugenio Jr., Executive Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 24.
Kabilang sa iprinisintang mga suspek kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nakilalang sina: Jim Dun Lim; Wen Yu Huang; Tian Zhi Lu; Jin Sheng Chun; Geng Hui Zuo; Yi Jin Li; Cong Hui Li; Ji Xiang Liu; Shuang Quan Li; at Wei Lin He na pawang nagmula sa Fookien, China at hindi marunong magsalita ng Tagalog o English.
Sa ulat, nadakip ang mga suspek sa inuupahang apartment sa 130-A, B at C sa Mckinley Court corner Prominence Drive, Brenville International may ilang metro lamang ang layo sa sinalakay na bodega.
"Ang nasabing pabrika ay isinailalim sa isang buwang pagmamanman bago nakorner ang mga suspek," pahayag naman ni Atty. Marivic Benedicto ng Optical Media Board (OMB).
Sinabi ni Atty. Benedicto, na ang BFTI ay lehitimong kompanya na nagsimula noong Nobyembre 2003 at may lisensyang sa isang DVD bonding machine para sa reproduction ng orihinal na DVDs.
"Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nakapagpuslit ng pitong units ng replicating machines, limang units ng bonding at apat na units ng printing machines," dagdag pa ni Atty. Benedicto. (Ulat nina Arnel Ozaeta,Ed Amoroso at Angie dela Cruz)