Magkapatid na bata itinapon sa lawa

JALA-JALA, Rizal – Kung hindi agad nasaklolohan ay malamang na nalunod ang dalawang batang paslit makaraang ihagis ito sa lawa ng kanilang ama matapos na magalit ito sa kanyang asawa kamakalawa ng hapon sa Brgy. Pila ng bayang ito.

Kasalukuyang ginagamot sa pagamutan ang mga biktimang sina Jackylou De Jesus, 3, at kapatid nitong si Kurt Christopher, 1, matapos makainom ng tubig galing sa lawa ng Laguna Bay.

Naaresto naman ang suspek na si Jack De Jesus, 24, pawang residente ng Brgy. Lingga, Brgy. Pila ng nasabing bayan sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Sa ulat, naganap ang insidente dakon alas-3:15 ng hapon matapos na mag-away ang suspek at asawa nito na nauwi sa pagbabantang hiwalayan.

Sa galit ng suspek ay agad na kinuha nito ang dalawang anak at nagtungo sa lawa sabay itinapon ang mga ito.

Subalit sinuwerte namang may nakakita sa insidente kaya humingi ito ng tulong at nagtulung-tulong na sagipin ang dalawang batang nalulunod. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments