Halos magkakatabing natupok ang bangkay ng mga biktimang sina: Mary Ann, 4; Robert, 3; Janice, 2-buwang sanggol na pawang may apelyidong Boce; Jesica, 6; at ang 2-anyos na si Diana Castillo Bathan.Sa inisyal na imbestigasyon ni SP02 Binevenido Limbo, iniwan ng mag-asawang Rogelio at Janeth Boce ang mga biktima habang natutulog.
Nagtungo ang mag-asawa sa tindahang may layong 500 metro upang bumili ng pang-almusal para kinabukasan.
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa ay naiwang nakasindi ang gaserang nakalapag sa kawayang sahig na pinaniniwalaang tumumba kaya lumikha ng apoy.
Binanggit pa sa ulat na nagawang iligtas ng panganay na anak ang tatlo niyang utol, subalit naiwan ang limang biktima at dahil na rin sa mabilis na kumalat ang apoy ay hindi na nakuhang bumalik hanggang sa matupok ang mga biktima.
Ayon pa sa pulisya, bandang alas-10 ng gabi nang makasalubong ng mag-asawa ang panganay nilang anak na umiiyak at ipinagbigay-alam na nilamon ng apoy ang mga biktima sa nasunog na kanilang bahay na dampa. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)