Sulu war muling sumiklab; 6 MNLF rebels dedo

CAMP AGUINALDO – Anim na rebelde ang nasawi habang dalawa namang sundalo ang nasugatan matapos na muling sumiklab ang digmaan sa pagitan ng tropa ng militar at mga armadong grupo ng puwersang Misuari Breakaway Group (MBG) at Abu Sayyaf Group (ASG) sa Parang, Sulu kamakalawa ng hapon.

Sa isang phone interview, sinabi ni AFP Southcom Chief Lt. Gen. Alberto Braganza, anim sa mga kalaban ang tumimbuwang habang marami pa ang sugatang nagsitakas sa dalawang oras na bakbakan sa magubat na bahagi ng Lanao Dakula ng nasabing bayan.

Ang mga nasugatang sundalo na kinilala lamang sa mga apelyidong Pfc Aban at private Calanggangan ay mabilis na isinugod sa pagamutan.

Ayon naman kay Joint Task Force Comet Brig. Gen. Agustin Demaala ay patuloy nilang sinusuyod ang lugar sa posibleng mga bangkay na naiwan ng mga kalaban.

Nabatid na dakong alas-3 ng hapon nang magsimula ang bakbakan sa pagitan ng Army’s 35th Infantry Battalion at ng naturang grupo ng nagsanib na puwersang mga rebelde sa ilalim ng pamumuno ni MBG Commander Ahadon Ahadak.

Ayon pa sa mga opisyal, sa kasalukuyan ay sa silangang bahagi na lamang ng Sulu ang konsentrasyon ng kanilang operasyon matapos na maghiwa-hiwalay ang grupo ng MBG at Abu Sayyaf.

Kaugnay nito, 29,000 na lamang sa mga evacuees ang nananatili sa mga evacuation center sa Sulu matapos na magsibalik na sa kanilang mga tahanan.

Magugunita na ang giyera sa Sulu na nagsimula noong Pebrero 7 ay ikinasawi ng mahigit 30 sundalo habang mahigit naman sa 100 rebelde ang nasawi at daan rin ang nasugatan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments