Sa isinagawang operasyon ng Task Force at ng BoC police, ang kontrabando ay nakapaloob sa dalawang 40-footer container van na unang idineklarang naglalaman ng mga imported used automotive spare parts at lumang sasakyan mula sa Shinyong Automobile Company sa South Korea na may halaga lamang na $1,000.
Ngunit, ayon kay ASTF-Subic commander ret. Lt. Gen. Jose Calimlim, nadiskubre na nakapaloob din sa dulong bahagi ng dalawang container van ang mga kahon na naglalaman ng mga brand new spare parts tulad ng bull bars, top load, piston sets, brake assembly at iba pa na sinasabing aabot sa P10-milyon.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang nakatalang importer consignee na Barre Two Company Incorp. na pag-aari ni Eduardo Barreto na kasalukuyang presidente ng Motor Vehicle Importers Association sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sinabi naman ni ESS-CPD commander Major Camilo P. Cascolan Jr., na ang mga nakumpiskang kontrabando ay pansamantalang ilalagak sa bodega ng customs at isasama sa mga isusubasta, kasabay ng ibang kargamento na nasamsam sa nakalipas na operasyon. (Jeff Tombado )