Tanod nilikida

Silang, Cavite Isang Brgy. Tanod ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang armadong kalalakihan habang naglalakad sa Brgy. Acacia ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Zaldy Pura, 36 anyos, may-asawa, Brgy. Tanod at residente ng Phase I-A, Block 35, Excess Lot ng nasabing barangay bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa dibdib at kaliwang braso.

Nasakote naman sa follow-up operations ang suspek na si Kim Rhanne Atrajenio, 20, binata habang patuloy na hinahanting ang isa pang suspek na si Carlo Matella; pawang residente sa lugar.

Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Julian Amparo, may hawak ng kaso, bandang alas-10:30 ng gabi ng maganap ang insidente sa isang madilim na bahagi ng kalye sa Brgy. Acacia ng nasabing munisipalidad.

Naglalakad umano ang biktima ng pagbabarilin ng suspek at ng makasigurong patay na ito ay mabilis na tumakas. (Lolit Yamsuan)

Show comments