Sulu war tumitindi: 100 rebelde todas

Camp Aguinaldo Patuloy ang tumitinding bakbakan makaraang umabot na sa tinatayang 70 hanggang 100 Moro National Liberation Front (MNLF) renegades at Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasawi sa bombardment at artillery fires ng militar sa pinalibutang kuta ng mga rebelde sa ika-pitong araw ng digmaan sa lalawigan ng Sulu.

Kasabay nito, kinumpirma ni AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Alberto Braganza na nasugatan sa kainitan ng bakbakan si Ustadz Habier Malik, lider ng MNLF renegades.

Ang grupo ni Malik ang responsable sa serye ng mga pag-atake laban sa tropang gobyerno sa Sulu.

Sa kasalukuyan, ayon kay Braganza bagaman medyo humupa ang labanan sa ilang mga lugar sa Sulu ay walang puknat pa rin ang bakbakan sa Mt. Bitan-ag sa pagitan ng Brgy. Bitanag at Kalingalang Kaluang sa bayan ng Panamao na siya ngayong sentro ng sagupaan sa lugar.

Nabatid na tatlo pang sundalo ang nasawi at 16 pa ang nasugatan kung saan ang mga ito ay dinala na sa AFP-Southcom Hospital para malapatan ng lunas.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 27 sundalo ang nasawi habang 65 pa ang nasugatan kung saan pinaniniwalaang doble hanggang triple naman ang tinamo ng mga kalaban bunga ng nagkalat na "mass grave" sa lugar.

Ayon kay Braganza, demoralisado na ang mga kalaban matapos na magsitakas at abandonahin ng kanilang mga kasamahan si Malik dahilan sa matinding gutom at pagkaubos ng mga bala sa walang humpay na operasyon ng militar na determinadong lipulin ang mga kalaban.

Nang matanong naman sa posibleng pagdedeklara ng ceasefire sa lugar, sinabi ni Braganza na maging ang AFP man ay ibig rin ng kapayapaan.

"Gusto na rin naman ng solusyon sa digmaan. Wala ng suporta ng taumbayan ang mga renegades ng MNLF at masaya naman tayo dahilan suportado ng lokal na pamahalaan sa Sulu ang operasyon ng militar," ang sabi pa ni Braganza.

Magugunita na nauwi sa madugong bakbakan ang inilunsad na rebelyon ng grupo ng detenidong si dating MNLF Chairman Nur Misuari sanhi ng iginigiit ng mga loyalista nito na ilipat ng kulungan ang rebel leader mula sa Fort Sto. Domingo, Laguna patungong Sulu.

Samantala, si Misuari ay nakipag-Peace Pact sa gobyerno noong 1996 pero sa kabila nito ay naglunsad ng rebelyon noong 2001 matapos tumanggi ang pamahalaan sa demand nitong italaga siya sa ikalawang termino bilang governor ng ARMM.

Show comments