Sa ulat ni Capt. Geronimo Malabanan, Naval Public Information Officer, kasalukuyang nagpapatrulya ang Patrol Gunboat 378 (PG 378) noong Huwebes ng gabi nang masabat ang M/V B&E "Cinco" na may lulang 4, 420 pirasong ilegal na troso na may halagang P2.2 milyon.
Ayon kay Capt. Dick Ruiz, commander ng Naval Forces Southern Luzon, ang nasabing barko na may 24 na tripulante ay pag-aari ng Seem Sam Corporation at Bukidnon Forest Incorporated.
Napag-alaman pa sa ulat, ang naturang ilegal na troso ay nagmula pa sa bayan ng Villanueva, Misamis Oriental at dadalhin sa Toplite Lumber sa Valenzuela City.
Kasunod nito, Nasabat din ng PG 378 ang M/V B&E "Tres" na may lulang 716,744 pirasong troso na tinaguriang Philippine Lauan na nagkakahalaga ng P17.8 milyon.
Sa pahayag ng kapitan ng barko na nakilalang si Rufo Gemoros, ang nasabat na troso ay pag-aari ng Luzon Mahogany Timber Industry Incorporated at nagmula sa Dapitan Bay, Disalag, Aurora na dadalhin sa Manila Harbor.
Ineskortan naman ng Phil Navy ang dalawang barko mula sa Batangas City patungong Sangley Point, Cavite at iti-turn over ang mga nakumpiskang ilegal na troso sa mga representante ng Department of Natural Resources (DENR). (Ulat nina Arnell Ozaeta at Angie dela Cruz)