Mga sugatan sa paputok

Lucena City
>Siyam-katao, karamihan dito ay bata, ang iniulat na naputukan ng rebentador habang sinasalubong ang Bagong Taon sa lungsod na ito.

Ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga sugat sa kanilang mga kamay ay dinala sa Mt. Carmel General Hospital, Quezon Memorial Hospital at Lucena United Doctors Hospital ay kinilalang sina: Aljon Abuel, 7, ng Brgy. 7; Rommel Trinidad, 23, ng Ibabang Iyam; Maricar Evedente, 27; ang kapatid nitong si Jerome, 4, kapwa ng Ibabang Dupay; George Baltazar, 26, ng Dalahican; Anabel Flores, ng Isabang; Ka Sonora Marie, 4, ng Ibabang Iyam; Grace Lingcoran, 23, ng Isabang; at Michael Vincent Enriquez, 6, ng Ilayang Iyam.

Sinabi ni P/Supt. Elmo Francis Sarona na konti lang ang mga biktima ng paputok ngayong taon kumpara noon na umabot sa halos 20-kataong sugatan at pagkamatay ng 12 dahil sa sunog sa palengke. (Ulat ni Tony Sandoval)
Nueva Ecija
Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad na walang magpapaputok ng baril, may isa pa ring lalaki ang naging biktima ng ligaw na bala habang may 32 ang iniulat na naging biktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon ng mga Novo Ecijano kahapon.

Sa inisyal na ulat na natanggap ng Nueva Ecija Police Provincial Office, bumaba ang bilang ng nasugatan ngayon kumpara noong isang taon. Mula 46 noong 2003 ay naging 33 na lang ngayon, kabilang ang biktima ng ligaw na bala.

Nakilala ang biktima ng stray bullet na si Eder Meren, 32, may asawa, ng Brgy. Sta. Arcadia, Cabanatuan City, na tinamaan ng bala sa kaliwang braso at inaalam pa kung anong klase ng kalibre ng baril.

Sa ulat, labing-isa ang naging biktima ng paputok sa Cabanatuan City; 13 sa San Jose City, kabilang dito ang apat na mga batang may edad 7-12; 3 sa Muñoz Science City at 5 sa Bongabon, Nueva Ecija.

Maaaring tumaas pa ang bilang ng naputukang biktima habang hinihintay pa ang ulat ng iba pang istasyon ng pulisya. Sa ngayon ay wala pang ulat kung may nagpaputok ng baril sa parte ng pulisya at mga sundalo ng Philippine Army. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
Pangasinan
Sa kabila ng matinding babala ng mga awtoridad laban sa paputok ay umabot pa rin sa 34 ang bilang ng nasugatan sa paputok, kabilang dito ang dalawang tinamaan ng ligaw na bala ng baril sa Pangasinan.

Sa ulat ni Sr. Supt. Mario Sandiego, Pangasinan PNP Director, sina: Rita Velasquez, 32, ng Longos Central, San Fabian at Jessie Albandia, 40, ng Anonus, Urdaneta City, ay isinugod sa pagamutan matapos silang tamaan ng ligaw na bala.

Umabot din ng 32 ng iba pang nasugatan sa sumabog na iba’t ibang uri ng paputok sa pagpasok ng Bagong Taon.

Sinabi ni Sandiego na ang insidenteng ito ay pinakamababang naitalang bilang ng biktima kumpara sa mga nagdaang taon na mas maraming nasugatan at may mga nasawi pa. (Ulat ni Myds Supnad)

Show comments