Granada sumabog sa hotel: 2 patay

CAMP OLIVAS, Pampanga – Naging kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng dalawang sibilyan makaraang magkalasug-lasog ang katawan dahil sa sumabog na granada sa loob ng hotel na sakop ng Barangay Dolores, San Fernando, Pampanga kamakalawa.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-6 ng gabi ng yanigin ang loob ng Miyabe Court Hotel matapos na sumabog ang granada sa kuwarto na inuupahan ng mga biktima.

Isa sa mga biktima ay nakilalang si Andrea Alonzo habang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng lalaki.

Wala pang maibigay na detalye si P/Supt. Nicanor Targa, police chief ng San Fernando PNP.

May teorya ang pulisya na nagpapalipas lamang ng magdamag ang dalawa bago sumapit ang Bagong Taon.

Blanko pa rin ang pulisya kung ang sumabog ay inihagis ng hindi kilalang lalaki o kaya pinaglaruan ng dalawa ang granada habang nasa loob ng nasabing hotel. (Ulat ni Resty Salvador)

Show comments